25/06/2026
[BALITA] Serye ng KONTRATAlakayan ng Acad Union LB at DSDS ng CHE, kolektibong tagumpay ng mga manggagawang kontraktwal
Matagumpay na naisagawa kahapon, Hunyo 24, 2026 ang ikatlong programa at kulminasyon na gawain ng KONTRATAlakayan na may temang, "Pamunuan Patatagin, Pakikibaka Pasulungin" na nakatuon sa aktwal na pag-oorganisa sa anyo ng pagpapalawak sa kasapian at kampanya, paghalal sa inisyal na pamunuan, panimulang pagtanaw sa bubuoing Vision, Mission, Goals at Objectives ng samahan ng mga manggagawang kontraktwal sa UPLB College of Human Ecology sa pakikipagtulungan ng UPLB Department of Social Development Services sa katauhan nina Prop. Dhino B. Geges at Prop. Clarice C. Pulumbarit kasama ang Komite sa Kontraktwalisasyon ng Acad Union LB.
Naging tagapagpadaloy at tagapagsalita sina G. Wilrich Nieto, tagapangulo ng Komite sa Kontraktwalisasyon ng Acad Union LB at si Bb. Rox Fernandez ng KALAKON. Sa yugtong ito, handang-handa na ang naitatag na samahan na susundan ng mga serye ng pag-oorganisa sa anyo ng palagiang pakikipagdiyalogo at paglikha ng mga panimulang gawain ng samahan na pansamantalang aagapayan ng ating unyon.
Esensyal din ang naging pagtulong ng Alliance of Contractual Employees in UP sa mga nakaraang serye ng Focus Group Discussions, Educational Discussions at pagsasanay kaya lubos ang ating pasasalamat.
Samantala, nagpapatuloy ang tuwangan ng Acad Union LB at Mga klase ng SDS 162 at 172 sa susunod na AY 2026-2027 upang maipagpatuloy sa ibang kolehiyo at akademikong unit sa Unibersidad ang naging hakbang-hakbang na pagkokonsolida at pagtatasa sa hanay ng manggagawang kontraktwal para organisahin ang kanilang mga sarili tungo sa pagtatayo ng mga samahan tulad ng sa CHE na bubuo sa mas malawak na alyansa na magiging kolektibong tinig ng mga kontraktwal sa Unibersidad.
Kaya tuloy-tuloy ang laban! Tuliy-tuloy ang pagpapalawak at pagpapakilos!
Manggagawang Kontraktwal, Gawing Regular! ✊🏻
Sahod, Trabaho at Karapatan, Ipaglaban! ✊🏻
25/06/2026
ISKOLAR NG BAYAN, PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN! ✊🌻
Militanteng pagbati sa lahat ng magsisipagtapos!
Bilang paninindigan sa tunay, palaban, at makabayang diwa ng mga Iskolar ng Bayan, pinangunahan ng Task Force Sablay na binubuo ng Graduating Class of 2026 at volunteers ang militanteng tradisyon ng Oblation Installation.
Sa konseptong pinangunahan ng kabataang artista mula sa KARMA KOLEKTIB at ng Kulturang Ugnayan ng Kabataaan-Alay sa Bayan, ang sama-samang pagkilos ng Task Force Sablay ay naghihimok sa mga magsisipagtapos na patuloy na maglingkod sa sambayanan.
TASK FORCE SABLAY
Isko’t Iska
Kulturang Ugnayan ng Kabataan-Alay sa Bayan
UPLB University Student Council
UPLB Perspective
Samahan ng Kabataan Alay sa Bayan (Sakbayan)
UP Action Los Baños
at sa tulong ng mga volunteers at donors
Halina’t makilahok sa sama-sama nating pagkilos:
TELON Production (June 26, 7:30pm sa DL Driveway)
College-Wide Testimonial Mobilization
Univ-Wide Grad Rallies
Sumama na sa Task Force Sablay (link sa comments)
25/06/2026
The search for the next UPLB Chancellor is now underway 📢
Timeline 📅
1–10 July 2026
Nominations to the Search Committee
11–17 July 2026
Constitution of the Search Committee
31 July 2026
Deadline for Submission of Nominations for Chancellor
15 September 2026
Deadline for Submission of the Report of the Search Committee
24 September 2026
Meeting of the Board of Regents for the Selection of the Chancellor
For inquiries and additional details, please contact the Office of the Chancellor: [email protected]
Source: AO no. PAJ-26-77
23/06/2026
[UNION UPDATE]
Inimbatahan ni Chancellor Jose V. Camacho, Jr. si Faculty Regent Early Sol A. Gadong at ang pamunuan ng All UP Academic Employees Union - Los Baños sa isang pag-uusap matapos ang pagdalo ni FR Gadong sa UPLB College of Arts and Sciences Faculty Conference.
Ilan sa mga napag-usapan ang pag-endorso ng UPLB administration sa 1:1 teaching load ng mga PE/Human Kinetics faculty, ang matagumpay na taunang AUPAEU-LB Grievance Handling Training, at pagsasagawa ng isang CNA orientation para sa mga administrator ng UPLB sa susunod na buwan.
Inimbitahan din ng Acad Union si Chancellor Camacho sa Multisectoral Townhall Meeting na gaganapin sa unang linggo ng Setyembre 2026.
Isulong ang demokratikong pamamahala sa Unibersidad! ✊🏼
15/06/2026
[ANG LAWA AY BUHAY: ANG YAMAN AT PAGKALINGA SA LAWA NG LAGUNA]
Sa gitna ng banta sa kalusugan ng Laguna de Bay, gayundin sa bintang na "patay" na ito, hindi mangingimi ang mga mamamayan ng Calamba City upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa panirikan at kabuhayan sa paligid ng lawa. Ito ang pinatunayan sa pagsasagawa ng "Ang Lawa ay Buhay: Ang Yaman at Pagkalinga sa Lawa ng Laguna", isang educational forum patungkol sa laban kontra development aggression sa Laguna de Bay.
Naninindigan ang komunidad ng Barangay Lingga, kasama ang iba pang mga sektor at organisasyon, na ang kaunlarang hindi nakikinig sa tinig ng mga mamamayang maaapektuhan nito ay hindi tunay na kaunlaran. Kanina, pinatunayan ni Dr. Maria Victoria O. Espaldon, propesor mula sa UPLB School of Environmental Science and Management, na ang kinakailangan ng lawa ay muling pagpapasigla at ang pagtutulungan ng bawat isa. Pinatutunayan ng siyensya na buháy ang lawa bagaman dapat iprayoridad ang rehabilitasyon nito. Samantala, inilatag naman ni Rep. Sarah Elago ng Gabriela Women's Party ang mga lehislasyong tuon ang kagalingan at karapatan ng mga mangingisda. Binigyang-diin niya rin ang pag-aaral sa posibilidad ng paglikha ng batas na poprotekta sa Laguna de Bay at sa mga komunidad na direktang nakikinabang dito.
Dumating din sa programa ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Calamba City mula sa tanggapan nina Rep. Cha Hernandez at Coun. Niño Lajara na nagbahagi naman ng kani-kanilang mga inisyatiba hinggil sa pangangalaga ng lawa.
Inorganisa ng Kalikasan Timog Katagalugan, Lupa ay Buhay, Save Laguna Lake Movement - Laguna Wide, at All UP Academic Employees Union - Los Baños ang forum. Ginanap ito sa Barangay Lingga Covered Court at dinaluhan ng mga lokal ng Calamba City, mga mag-aaral, at mga akademikong kawani. Layunin ng gawain na pataasin din ang kamulatan ng mga kalahok sa banta ng Laguna Lake Road Network at floating solar farm sa kabuhayan ng mga mangingisda at mamamayan ng coastal barangays sa Metro Manila, Rizal, at Laguna.
Bahagi ito sa serye ng mga gawain sa ating rehiyon na nakatuon sa pagdiriwang ng World Environment Day at Philippine Environment Month.
12/06/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG ALL UP ACADEMIC EMPLOYEES UNION SA PAGGUNITA SA IKA-128 NA ARAW NG HUWAD NA KALAYAAN
Taun-taon ay ginugunita natin ang paglaya ng Pilipinas mula sa Espanya sa simbolikal na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan. Taun-taon rin ay hinahamon natin ang pagiging huwad ng proklamasyon ng independensiya sa ilalim ni Emilio Aguinaldo, na ibinenta ang soberanyang ipinaghimagsikan ng mga martir na Katipunero sa Amerika sa halagang 20 milyong dolyar, sa papamagitan ng Treaty of Paris.
Hindi makalaya ang masang Pilipino mula sa iba’t ibang tanikalang kinasasadlakan nito dahil sa mga pandaigdigang krisis na nakaaapekto sa pagtaas ng langis at bilhin. Patuloy ang pananamantala at pambabarat sa mga manggagawang Pilipino ng mga kapitalista at mga kasangkapan nilang burokrata kaya’t hindi sila makalaya sa pagtitiis sa napakaliit at hindi nakabubuhay na sweldo. Kasing-huwad ng kalayaan ang pagtalikod sa masang Pilipinong naaapi at inaabuso ng mga multi-nasyunal na kumpanya at ng sarili nitong gobyerno na walang inihahaing mga polisiyang magtitiyak ng nakabubuhay na sahod at proteksyon sa mga ito.
Hindi makalaya ang masang Pilipino sa panlilinlang at kasinungalingan ng mga pulitikong nangakong magsisilbi sa bayan, ngunit patuloy na hindi napapanagot para sa korapsyon at paglulustay sa pera ng taumbayan. Sa patuloy na pagtatago ng mga sangkot sa mga malakihang isyu sa kongreso at senado at sa pagpapaantala sa hearing ukol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ay lalong nalulugmok ang mga Pilipino sa kahirapan, at ang mga gipit na ahensya ng gobyerno sa budget cuts. At kahit pa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dapa mahiya ang mga sangkot sa iba’t ibang iskandalo ng korapsyon, wala siyang kawala – sa ilalim ng kanyang administrasyon ipinasa ang mga pambansang badyet na puno pala ng pagkakamkam ng pera ng taumbayan. Kasing-huwad ng kalayaan ang mga pangako ng pagbabago at ang serbisyo publiko ng mga ito.
Hindi rin makalaya ang mga g**o, estudyante, lider-pesante, at mga maliliit na komunidad sa patuloy na panreredtag at pandadahas, hindi lang sa pisikal na kaanyuan kundi pati na rin sa mga online na espasyo. Walang maaasam na tunay na kalayaan ang bawat isa kung patuloy ang pamamasista ng estado. Kasing huwad ng kalayaan ang pagpatay sa karapatan nating magsalita at maghinaing tungkol sa naghihikahos na kalagayan ng taumbayan. Huwad na kalayaan ang maipangako ang seguridad ng mga estudyante, g**o, at staff, pero hinahayaang putaktihin sila ng mga komentong puno ng pananakot at pangugutya sa social media.
Hindi rin makalaya ang sektor ng edukasyon sa pagpilit na gawin itong pabrika ng mga graduates, sa patuloy na paglalabas ng mga polisiyang gumigipit sa kurikulum ng mga state universities at colleges o SUCs. Kasing-huwad ng kalayaan ang pagreporma sa General Education programs ng mga SUCs para sa personal at komersyalisado at neoliberal na interes ng estado.
Abstrakto mang ideya ang kalayaan, pero patuloy nating binibigyan depinisyon ito sa hanay ng pakikibaka. Ginugunita natin ang patuloy na pagkilos ng iba’t ibang sektor para sa kabuhayan at karapatang-pantao. Ang tunay na kalayaan ay nakikita ng taumbayan hindi sa simbolismo o pagiging abstrakto, hindi sa pagwagayway ng bandila tuwing ika-12 ng Hunyo. Natatamasa ng bawat Pilipino ang paglaya sa pagpapanalo ng nakabubuhay na sahod, sa pagkakaroon ng trabaho, at pagkakaroon ng seguridad mula sa ano mang klase ng pang-aabuso, pisikal man on online. Natatamasa ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa pagkilos tungo sa pag-unlad ng bawat isa, sa pagkakaroon ng hustisya sa mga inaapi at inaabuso, at sa pagdanas ng pamamahala na may seguridad at pag-unawa para sa lahat.
Huwad man ang kasarinlang ginugunita sa araw na ito, hindi naman nito maapula ang maalab na pakikiisa ng AUPAEU-LB sa malawak na hanay ng sambayanang nananawagan ng tunay na paglaya!!
12/06/2026
[GRIEVANCE HANDLING SEMINAR-WORKSHOP 2026]
Upang matiyak na ang Unyon ay palaging handa sa pagharap sa mga posibleng grievance case, isang seminar-workshop ang idinaos kasama ang ating mga miyembro mula sa iba't ibang yunit ng Unibersidad.
Ngayong taon, naging pangunahing mga tagapagsalita sina Former Congressman at Former Courage National Office Ferdinand "Ka Ferdie" Gaite at AUPAEU National Secretary General Steph Andaya. Ibinahagi ni Ka Ferdie ang usaping grievance procedure sa pampublikong sektor habang CNA Grievance Procedure at UP Salary Fight Network naman ang kay Ma'am Steph.
Gayundin, nagbahagi naman ng karanasan sa paghawak ng Grievance Cases sina Emmanuel Dumlao, Cris R. Lanzaderas at Beverly Pabro na nagbigay rin ng payo at mga paalala sa mga maitatalagang kabahagi ng UPLB Grievance Pool membersship.
Sinundan ito ng isang workshop sa porma ng mga scenario building. Ipinakita naman nito ang pagkamalikhain ng ating kasapian at kung papaano maisasabuhay ang diwang militante, progresibo, at makabayang unyon sa handling ng mga grievance sa loob ng mga opisina.
Ang Grievance Handling Seminar-Workshop ay bahagi ng serye ng mga pagsasanay sa ilalim ng Panday Malay at sa patnubay ng Grievance and Negotiations Committee ng ating Unyon. Nagpapasalamat ang Acad Union LB sa Department of Civil Engineering ng UPLB College of Engineering and Agro-industrial Technology sa probisyon ng venue sa gawaing ito. Ginanap ito kahapon mula 8:00 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon sa CE 101, Bulwagang Senen Miranda.
Antabayanan ang iba pang mga katulad na pagsasanay at educational discussions ng ating Unyon! Mabuhay ang MPMU!
📸 RFDA Manrique, SMR Saipudin
11/06/2026
"This is a reminder that our history, culture, livelihoods, and environment are connected. We call on all Filipinos to stay vigilant and stand with the people of Pakil and other communities affected by similar projects nationwide. Let us defend our heritage and natural resources against harmful development projects, while upholding the rights of farmers, fisherfolk, and indigenous peoples whose lands, waters, and livelihoods must not be taken without their free and informed consent."
Ang All UP Academic Employees Union - Los Baños ay kaisa ng mga mamamayan ng Pakil, Laguna sa kanilang laban para sa kalikasan, kultura, at kabuhayan!