The Patriot

The Patriot

Share

The Official Student Publication of the Polytechnic University of the Philippines – Parañaque Campus

15/06/2026

𝗞𝗢𝗠𝗨𝗡𝗜𝗗𝗔𝗗 | Bulong ng Hirap sa Bulungan

Pagsapit ng hapon sa Bulungan Public Market sa Parañaque, kapansin-pansin na ang unti-unting paghina ng galaw sa palengke. Habang papalubog ang araw, mas nangingibabaw ang amoy ng isda, putik, at alat ng dagat sa makikitid na daanan. Halos wala nang tuyong bahagi ng sahig at bawat hakbang ay may kasamang talsik ng maruming tubig sa sapatos, pantalon, at paa ng mga mamimili at manggagawa. Maingay pa rin ang paligid, ngunit dama na ang pagod sa mukha ng bawat isa. Sa madilim na bahagi ng palengke na kulang sa ilaw, tila kasabay ng paglubog ng araw ang paghupa rin ng lakas ng mga taong maghapong naghahanapbuhay. Gayunman, kinabukasan ay muli silang babalik.

Isa si Lorna, isang naglilinis ng tahong sa Bulungan mula pa noong 2003, sa mga araw-araw na umaasa sa bentahan upang maitawid ang pangangailangan ng pamilya. Ayon sa kaniya, hindi palaging sapat ang kinikita nila dahil madalas ay maliit lamang ang tubo at kung minsan ay wala pa.

“𝘕𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯, 𝘮𝘶𝘳𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘩𝘰𝘥 𝘮𝘰 𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘪𝘭𝘪𝘩𝘪𝘯, 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭,” ani niya.

Kapag hindi nauubos ang paninda, napipilitan silang ibenta ito sa mas mababang presyo upang hindi tuluyang masayang ang produkto. Bukod sa mataas na presyo ng mga bilihin, problema rin para sa maraming tindero at mangingisda ang pagtaas ng presyo ng gasolina dahil ito ang pangunahing ginagamit sa paglaot at paghakot ng paninda.

Para naman sa isang dispatcher ng bangus na 35 taon nang nagtatrabaho sa Bulungan, malaking epekto rin sa bentahan ang pagbabago ng panahon at presyo ng ibang uri ng isda. Kapag mura ang isdang dagat, bumababa rin ang demand sa bangus. Ayon sa kaniya, lahat ay naaapektuhan ng inflation, lalo na ang mga ordinaryong manggagawa.

Hindi lamang presyo ng bilihin ang nagbago sa Bulungan. Ayon sa ilang tindera at mamimili, malaki na rin ang ipinagbago ng mismong komunidad sa loob ng palengke kumpara noon.

Kuwento ng isang tindera ng sari-sari, mas masigla umano noon ang Bulungan kahit hindi pa maayos ang estruktura nito. Mas marami raw ang nagtitinda at mas malakas ang bentahan noon kumpara ngayon. Sa kasalukuyan, marami na umanong umaalis dahil sa mahal ng bayarin sa pwesto at matumal na kita.

“𝘗𝘢𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘴 𝘮𝘢𝘵𝘶𝘮𝘢𝘭 𝘯𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯,” saad niya.

Ganito rin ang obserbasyon ni Dexter, isang mamimiling lumaki na ring namimili sa Bulungan dahil dating nagtitinda rito ang kaniyang ina. Ayon sa kaniya, mas simple man noon ang palengke, mas dama naman ang samahan ng mga tao.

“𝘔𝘢𝘬𝘪𝘬𝘪𝘵𝘢 𝘮𝘰 𝘬𝘢𝘴𝘪 𝘥𝘢𝘵𝘪 𝘺𝘶𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘺𝘢 𝘴𝘢 𝘮𝘶𝘬𝘩𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘢𝘰 𝘩𝘢𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘣𝘦𝘣𝘦𝘯𝘵𝘢,” aniya. “𝘕𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯 𝘱𝘢𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢.”

Samantala, may ilan ding bagong manggagawa ang nakararanas ng hirap sa sistema sa loob ng palengke. Isa rito ang isang fish deboner na anim na taon nang nagdedebone ng isda ngunit bago pa lamang sa Bulungan. Bagama’t sapat minsan ang kinikita niya sa paglilinis ng isda, inamin niyang mahirap pa rin ang araw-araw na trabaho lalo na sa pabago-bagong dami ng nagpapagawa.

Sa paglipas ng panahon, nagbago man ang takbo ng buhay sa Bulungan, nananatili ang mga hamong kinakaharap ng mga manggagawa at tindero rito. Sa kabila ng init ng panahon, pagod, at hindi tiyak na kita, patuloy silang bumabangon araw-araw upang maghanapbuhay. Para sa marami sa kanila, hindi lamang ito basta palengke kundi isang komunidad na matagal nang pinagkukunan ng kabuhayan, sakripisyo, at pag-asa.

sinulat ni Monica Lopez at Jude Baga-an
layout ni Jelyka Salapar

14/06/2026

𝗜𝗖𝗬𝗠𝗜 | PUP Parañaque Reaches New Milestone, Launches First Graduate Program

A new chapter begins for Polytechnic University of the Philippines – Parañaque City Campus as it proudly launches its first-ever graduate degree program, marking a significant milestone in the institution's commitment to academic excellence and public service.

The Master in Public Administration (MPA) program is offered through a collaborative partnership among the Polytechnic University of the Philippines Parañaque City Campus, the City Government of Parañaque, and the College of Political Science and Public Administration (CPSPA).

Designed for local government personnel, public servants, and aspiring leaders, the program aims to strengthen competencies in leadership, governance, and public management while promoting ethical and responsive public service.

Applicants may submit their admission requirements through the PUPPQ Research and Extension Office through onsite personal submission or online submission via email at [email protected]. Interested applicants may also access the admission guidelines through the official page of PUP Parañaque City Campus.

With the establishment of its first graduate degree program, PUP Parañaque City Campus continues to expand its educational opportunities and strengthen its role in developing future leaders in public administration and governance.

via Monica Lopez

12/06/2026

Ngayong ika-128 na Araw ng Kalayaan, ating ginugunita ang katapangan at sakripisyo ng mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng ating Inang Bayan. Nawa'y magsilbing inspirasyon ang kanilang pamana upang patuloy nating ipaglaban ang katotohanan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bansa.

Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Pilipinas!

03/06/2026

𝗕𝗥𝗘𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 | Following the declaration of a quorum with 12 senators in attendance, Sherwin Gatchalian was formally elected as Senate President Pro Tempore, assuming the chamber's second-highest leadership position.

29/05/2026

𝗜𝗖𝗬𝗠𝗜 | Malaking Pagbabago sa Senado sa Pagpapalit ng Liderato at mga Komite

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa pamunuan ng Senado noong Mayo 11, 2026 matapos ang umano’y “coup” o biglaang pagpapalit ng liderato sa mataas na kapulungan. Itinalaga si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President matapos mapalitan si Senador Tito Sotto sa posisyon. Samantala, si Senador Loren Legarda naman ay naging Senate President Pro Tempore, na dating kasapi ng majority bloc ngunit ngayon ay itinuturing bagong minority sa Senado.

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa pamunuan ng Senado kasunod ng naturang liderato change, na nagresulta sa malawakang reorganisasyon ng mga komite.

Ayon sa mga ulat, pinalitan si Senador Bam Aquino bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education. Ang naturang posisyon ay ibinigay kay Senadora Loren Legarda matapos ang bagong reshuffle sa Senado. Si Bam Aquino ay kilala sa kanyang pagsusulong ng mga programa para sa edukasyon at kabataan kaya’t naging malaking usapin ang kanyang pagtanggal sa komiteng ito.

Samantala, si Senador Kiko Pangilinan, na dati ring namuno sa ilang mahahalagang komite gaya ng Agriculture at Constitutional Amendments, ay naapektuhan din ng pagbabago sa liderato ng Senado. Bagamat dati siyang naitalaga bilang chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments, nagkaroon ng reorganisasyon sa mga komite kasabay ng pagbabago ng liderato sa Senado.

Hindi rin nakaligtas si Senador Risa Hontiveros sa mga pagbabagong ito. Siya ay pinalitan bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at si Senador B**g Go ang itinalagang bagong pinuno ng komite. Kilala si Hontiveros sa kanyang mga adbokasiya sa kalusugan, karapatan ng kababaihan, at serbisyong pampubliko kaya’t maraming tagasuporta ang nalungkot sa kanyang pagkawala sa naturang posisyon.

Bukod sa kanila, nagkaroon din ng iba pang pagbabago sa mga komite ng Senado. Si Senador Jinggoy Estrada ang itinalagang bagong chairman ng Committee on National Defense and Security at Committee on Games and Amusement. Samantala, si Rodante Marcoleta naman ang pumalit bilang chairperson ng Committee on Public Services.

May ilang senador naman na nanatili sa kanilang chairmanship positions sa kabila ng reorganisasyon. Kabilang dito si Senador Pia Cayetano na retained bilang chairperson ng Committees on Ways and Means, Energy, at Sustainable Development Goals, Innovation, and Futures Thinking. Nanatili rin si Senador Robin Padilla bilang chairperson ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs habang nadagdagan pa siya ng Committee on Public Information and Mass Media.

Sa kabila ng pagkawala ng ilang chairmanship positions, nananatiling aktibo sina Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros sa pagsusulong ng kani-kanilang adbokasiya sa loob at labas ng Senado.

Ipinapakita lamang ng pangyayaring ito na ang politika sa Senado ay patuloy na nagbabago depende sa balanse ng kapangyarihan at suporta ng mga mambabatas. Gayunpaman, nananatiling mahalaga ang papel at kontribusyon ng lahat ng mga senador sa usaping pambansa, anuman ang kanilang posisyon o kinabibilangang grupo sa Senado.

ulat ni Adi Flores

28/05/2026

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠 | Saan Sumusulat ang Journalist?

Minsan, may mga taong nagsasabing ang journalist ay “tagapagsulat lang ng balita.” Para sa ilan, trabaho lamang nila ang mag-ulat ng mga pangyayari araw-araw. May iba ring naniniwalang puro interview, camera, at social media posts lang ang ginagawa ng journalists. Dahil dito, iniisip ng ilan na madali lamang ang journalism dahil magsusulat ka lang ng article at ipo-post ito online. Ngunit habang mas nakikita natin ang tunay nilang trabaho, unti-unti nating napagtatanto na kulang ang ganoong depinisyon.

Noong unang panahon, ang pangunahing tahanan ng journalism ay ang diyaryo. Dito unang naging makapangyarihan ang pagsusulat ng balita at opinyon. Sa Pilipinas, isa sa mga naging simbolo nito ay ang pahayagang La Solidaridad noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Dito nagsulat sina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, at Graciano Lopez Jaena upang ilantad ang mga pang-aabuso at pagmumulat sa mga Pilipino tungkol sa tunay na kalagayan ng bansa. Sa pamamagitan ng kanilang mga isinulat, mas maraming mamamayan ang naging mulat at nagkaroon ng lakas ng loob na ipaglaban ang kanilang karapatan.

Makikita rito na noon pa man ay may malaking papel na ang journalism sa lipunan. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), mahalagang bahagi ng demokrasya ang pamamahayag dahil ito ang nagbibigay sa publiko ng karapatang malaman ang katotohanan. Binibigyang-diin din nila na kapag may pagbabanta, pananakit, o panggigipit sa mga mamamahayag, naaapektuhan din ang karapatan ng bawat mamamayan na makatanggap ng tama at makabuluhang impormasyon. Sa madaling salita, kapag malaya ang journalists, mas nagiging malinaw ang katotohanan at mas nagiging mulat ang lipunan sa mga usapin tungkol sa gobyerno, ekonomiya, edukasyon, at iba pang mahahalagang bahagi ng buhay.

Habang lumilipas ang panahon, nagbago rin ang paraan ng pagsusulat at paghahatid ng balita. Hindi na lamang sa printed newspaper makikita ang gawa ng journalists. Nariyan na ang online articles, websites, podcasts, vlogs, at social media platforms. Ayon sa Digital 2026 Philippines Report ng Meltwater at We Are Social, halos 8 sa bawat 10 Pilipino o humigit-kumulang 81.9% ng populasyon ang aktibo sa social media. Malaking bahagi ng kanilang oras online ay ginugugol sa Facebook, TikTok, at YouTube. Ipinapakita rin ng datos mula sa Statista at Spiralytics na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na paggamit ng social media sa rehiyon, dahilan kung bakit marami na ring tao ang kumukuha ng balita at impormasyon sa digital platforms.

Dahil dito, mas mabilis na ring kumalat ang impormasyon. Sa kasalukuyan, isang simpleng Facebook post o online article ay maaaring makarating sa milyon-milyong tao sa loob lamang ng ilang minuto. Isang breaking news post lamang ay maaari nang maghatid ng impormasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ngunit kasabay ng bilis na ito ay ang mas mabigat na responsibilidad para sa journalists. Sa panahon kung saan mabilis kumalat ang impormasyon, mas kailangang siguraduhin na tama, patas, at beripikado ang kanilang mga inilalathala.

Mas naging mahalaga rin ang journalism sa panahon ng fake news at misinformation. Ayon sa World Health Organization, mabilis kumalat ang maling impormasyon lalo na sa internet at maaari itong magdulot ng takot, kalituhan, at maling paniniwala sa publiko. Dahil dito, lalong nagiging mahalaga ang papel ng tunay na journalism sa pagbibigay-linaw at paghahatid ng mapagkakatiwalaang impormasyon.

Ngunit kahit gaano pa kaganda ang teknolohiya, hindi nawawala ang tunay na layunin ng journalism — ang magsilbi sa katotohanan at sa mamamayan. Maraming journalists ang inilalagay sa panganib ang kanilang sariling kaligtasan upang maihatid lamang ang totoong nangyayari sa lipunan. May mga reporters na pumupunta sa gitna ng bagyo, giyera, krimen, at sakuna para lamang maibigay sa publiko ang tamang impormasyon. Habang ang ibang tao ay umiiwas sa peligro, ang journalists naman ay lumalapit dito upang hanapin ang katotohanan.

Bilang campus journalists, mahalagang maunawaan natin na nagsisimula rin sa atin ang ganitong responsibilidad. Hindi lamang tayo sumusulat upang matapos ang isang article o mapunan ang publication. Sumusulat tayo upang maiparinig ang boses ng mga estudyante. Kapag may problemang kailangang ilahad, tagumpay na dapat kilalanin, o isyung kailangang pag-usapan, journalism ang nagsisilbing tulay upang makarating ito sa mas maraming tao.

Madalas ding minamaliit ng iba ang pagsusulat. Iniisip nila na simpleng pagta-type lamang ito sa cellphone o laptop. Ngunit sa likod ng bawat article ay may research, interviews, fact-checking, at matinding pag-aanalisa. Hindi madaling gumawa ng matinong balita dahil bawat salitang ginagamit ay may epekto sa pag-iisip at pananaw ng mga mambabasa.

Kaya sa tanong na “Saan sumusulat ang journalist?”, marahil ay hindi sapat ang sagot na “sa papel” o “sa internet.” Dahil ang tunay na journalist ay sumusulat saanman may katotohanang kailangang marinig. Sumusulat sila sa diyaryo, websites, social media, at iba’t ibang digital platforms. Nagsusulat sila sa notebooks habang nasa coverage, sa laptops habang naghahabol ng deadline, at minsan kahit sa cellphone habang nasa gitna ng pangyayari. Makikita rin ang kanilang mga isinulat sa school publications, magazines, television scripts, radyo, blogs, at online news pages.

Ngunit higit pa rito, sumusulat sila sa isip at puso ng tao. Sa bawat balitang kanilang inilalathala, may mga taong namumulat, natututo, at nagiging mas aware sa tunay na nangyayari sa kanilang paligid.

At habang patuloy na nagbabago ang mundo, mananatiling mahalaga ang journalism. Dahil hangga’t may mga taong naghahanap ng katotohanan, hangga’t may mga isyung kailangang ilantad, at hangga’t may mga boses na kailangang marinig, patuloy na magsusulat ang journalist — hindi lamang gamit ang tinta o keyboard, kundi gamit ang katotohanan, paninindigan, at malasakit sa mamamayan.

sinulat ni Nicole Morada
layout ni Jelyka Salapar

27/05/2026

𝗘𝗶𝗱 𝗠𝘂𝗯𝗮𝗿𝗮𝗸!

Ngayong Eid’l Adha, nawa’y magsilbing paalala ang diwa ng sakripisyo, pananampalataya, at kabutihan sa bawat isa.

27/05/2026

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠 | Mainit Talaga: Ang Init ng Panahon at Lamig ng Sistema

Pagsapit pa lang ng umaga ay ramdam na agad ang matinding init. Hindi pa man tirik ang araw, mabigat na ang hangin at nakakapaso na ang semento sa kalsada. Sa mga jeepney terminal, makikita ang mga pasaherong paulit-ulit na nagpapaypay. Sa mga pampublikong paaralan, may mga estudyanteng hirap magpokus dahil sa init ng silid-aralan. Samantala, ang mga construction worker, delivery rider, at tinderang bilad sa araw at tagaktak ng pawis ay walang choice kundi magpatuloy sa trabaho kahit nanlalata na sa pagod at init.

Habang papalalim ang epekto ng El Niño ngayong 2026, mas nagiging malinaw na ang climate crisis ay hindi lang simpleng pagbabago ng panahon. Isa na itong krisis na direktang tumatama sa kabuhayan at araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Kapag tumitindi ang init, tumataas din ang presyo ng mga bilihin dahil naaapektuhan ang agrikultura at produksyon ng pagkain. Kapag masyadong mainit ang mga silid-aralan, napipilitang suspendihin ang klase o bumalik sa distance learning, isang setup na hindi naman kayang sabayan ng nakararami. At habang ang ilan ay may aircon at komportableng tahanan, milyon-milyong Pilipino pa rin ang nagtitiis sa mga bahay na parang pugon sa tindi ng init tuwing tanghali.

Dito ay talagang atin na makikita ang hindi patas na epekto ng climate crisis.

Hindi pare-pareho ang bigat ng init para sa lahat. Ang may kaya ay may paraan para umiwas dito, pero ang mga ordinaryong manggagawa at pamilyang nasa laylayan ang direktang sumasalo sa pinakamabigat na epekto nito. Kaya hindi lang ito environmental issue kundi usapin din ito ng hustisya at pagkakapantay-pantay.

Sa gitna ng lahat ng ito, paulit-ulit nating naririnig ang mga plano at pangako tungkol sa climate response. Ngunit sa maraming komunidad, kulang pa rin ang konkretong aksyon at suporta. Habang patuloy na umiinit ang panahon, tila mabagal pa rin ang kilos ng sistemang dapat sana’y unang nagpoprotekta sa mamamayan.

Sa huli, ang “Mainit Talaga” ay hindi lang reklamo tungkol sa panahon. Isa itong paalala na habang umiinit ang mundo, mas lalong kailangang kumilos ang pamahalaan para sa mga taong pinakaapektado. Dahil ang kaligtasan ng mamamayan ay hindi dapat nakadepende sa lakas ng electric fan o lamig ng aircon, kundi sa tibay ng gobyernong handang umagapay sa bawat oras ng krisis.

isinulat ni Bea Ceniza
layout ni Ziljian Salazar

26/05/2026

𝗜𝗖𝗬𝗠𝗜 | The PUPCET 2026 results for PUP Parañaque Campus were released last May 22, 2026, so please remember to check your email and PUP iApply account for your admission results and further instructions.

Meanwhile, the results for the PUP Main Campus (Sta. Mesa) have also been released today. Applicants are advised to carefully check their emails, including spam or junk folders, as official notices and enrollment instructions are sent there.

Reminder to all applicants, please check your email and iApply account regularly for updates regarding your application status.

Congratulations our new Iskolar ng Bayan!

layout by Ziljian Salazar

26/05/2026

𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡 | Libreng Byahe

Alas singko ng umaga, Lunes, naghihintay ako ng jeep sa gilid ng kalsada bitbit ang napakabigat kong bag. Hindi naman ako lalabas ng bansa pero ang mga laman ng bag ko ay nag-uunahan na makahinga.

Nang dumating na ang jeep, umupo ako sa gitna, malapit sa pintuan at malapit kay manong, kung saan masarap ang tama ng hangin. Nakasabit sa aking leeg ang ID ko na nagsisilbing medalya na katibayan na isa akong scholar sa isang sikat na unibersidad, may korona ako sa ulo na hindi nakikita ng iba. Ako ang "Iskolar ng Bayan," ang bida, ang pag-asa ng bansa. Napangiti ako ng palihim.

Habang umaandar ang jeep at bumabagtas sa mausok na kalsada, pinagmasdan ko ang mga kasama ko sa loob. Sa tapat ko, may isang lalaki na pawis na pawis at may bakas ng semento sa kanyang bota at tila nakikipaglaban sa antok. Sa tabi naman niya ay isang aleng may bitbit na baldeng may malansang amoy habang mahigpit na hawak ang strap ng kanyang lumang pitaka.

Sa loob-loob ko, nakaramdam ako ng awa, pero may halong yabang. Inisip ko, "Buti na lang nag-aaral ako nang mabuti. Balang araw, dahil sa talino ko, hindi ko mararanasan ang hirap nila. Ako ang mag-aangat sa kanila sa putikan." Akala ko, dahil sa mga matataas na formula at theories na alam ko, ako ang bayaning hinihintay ng mundo.

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang may nag-abot ng pamasahe mula sa unahan. "Paki-abot po" sabi ng isang pasahero. Inabot ko ang barya sa driver nang walang imik, isang simpleng galaw na sanay na sanay na ako. Ito ang papel ko sa biyaheng ito—ang tagapasa ng barya, ang estudyanteng tinitingala.

Nang malapit na kami sa babaan ng unibersidad, huminga ako nang malalim at naghanda ng bumaba. Kumuha ako ng barya sa bulsa ko, saktong pamasahe para sa isang estudyanteng tulad ko. Pero bago ko pa man maabot ang pera sa kamay ng driver, tumingin siya sa akin sa rearview mirror. Nakita ko ang isang ngiti na tila may malalim na kahulugan.

"Bayad na, ’Nak. Nilibre ka na nung aleng bumaba kanina sa kanto," sabi ng driver habang ibinabalik sa akin ang barya.

Natigilan ako. Pakiramdam ko ay huminto ang mundo. "Po? Sino po? Bakit daw po?"

"’Yung aleng may dalang balde ng isda," sagot ng driver habang itinuturo ang kalsadang dinaanan namin. "Sabi niya sa akin bago siya bumaba, 'Kuya, heto po ang para sa estudyante. Isko ’yan eh. Para sa amin din naman ang pag-aaral niyan.'"

Sa isang iglap, gumuho ang lahat ng "coolness" o angas na ipinagmamalaki ko. Ang medalya kong ID, ang bag kong punong-puno ng papel, ang status ko bilang scholar—biglang nawalan ng kulay ang lahat ng iyon. Napagtanto ko na ang bawat gabi na puyat ako sa pag-aaral, ang bawat exam na naipasa ko, ay hindi ko lang pala sariling sikap. Ang bawat sentimo ng pinaghirapan ng aleng tindera, ang pawis ng lalaking may bakas ng semento sa bota at katawan, at ang barya ng bawat ordinaryong Pilipino ang tunay na nagpapaaral sa akin.

Ang plot twist ? Hindi pala ako ang bida na magliligtas sa kanila. Ako pala ang produkto na utang ko sa kanila. Ang aleng tindera, na kahit hirap na sa sarili niyang buhay ay nagawa pang pondohan ang pangarap ko—siya ang tunay na "cool." Siya ang tunay na bayani.

Bumaba ako ng jeep na may mabigat na dibdib. Ang bag ko, na dati ay puro papel, ay tila nadoble ang bigat. Hindi dahil sa gamit, kundi dahil sa bigat ng tiwala at sakripisyo ng mga taong hindi ko man lang kakilala.

‘Ano nga ba ang tunay na Isko?’ Tanong ko sa aking sarili.

Habang tinatahak ko ang daan patungo sa aking unang klase, isa lang ang naging malinaw sa akin at iyon ay ang bawat hakbang ko ay hindi para lamang sa akin. Bawat hakbang ko ay tulak ng barya ng aleng tindera at ng pawis ng lalaking may semento sa bota. Hindi sapat na maging matalino; kailangang maging totoo at tunay. Dahil ang tunay na Iskolar ng Bayan ay hindi ang sikat na estudyante sa loob ng campus, kundi ang lingkod-bayan na hinding-hindi makakalimot sa amoy ng isda at semento sa loob ng jeep.

Ikaw, ano ang gagawin mo sa libreng biyaheng ibinigay sa iyo?

isinulat ni Janine Maika Alderete
dibuho ni Juliana Gentalian

Want your school to be the top-listed School/college in Parañaque?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Category

Address

Col. E. De Leon Street , Wawa, Sto. Niño, Parañaque City, Metro Manila
Parañaque
1700

Opening Hours

Monday 8am - 6pm
Tuesday 8am - 6am
Wednesday 8am - 6am
Thursday 8am - 6am
Friday 8am - 6am
Saturday 8am - 6am
Sunday 8am - 6am