24/06/2026
Kita-kits po sa laban sa kahirapan, korapsyon, at kawalang-pananagutan!
Isama ang kapamilya, kaklase, katrabaho, kasimbahan, kapitbahay atbp.
28 June 2026 (Linggo)
12:00noon: Misa sa EDSA Shrine (officiated by Bishop Colin Bagaforo)
2:30pm: Martsa mula EDSA Shrine
3:00pm: Programa sa People Power Monument
Ang sipi sa pubmat ay mula sa pahayag sa ibaba:
Pahayag ng KBKK hinggil sa paglahok sa Kilos Bayan laban sa Kahirapan, Korapsyon, at Kawalang-Pananagutan (June 28 sa Edsa People Power Monument) na pangungunahan ng White Ribbon Movement (WRM)
Ipinapahayag ng KBKK ang masigasig na pakikiisa at kumpirmasyon ng paglahok sa tinaguriang White Ribbon March, bitbit ang panawagang “Lahat ng Sangkot, Dapat Managot” at “Kilos Bayan laban sa Kahirapan, Korapsyon, at Kawalang-Pananagutan” na pangungunahan ng White Ribbon Movement (WRM) sa Hunyo 28, 2026 (Linggo), 2:00 ng hapon sa Edsa People Power Monument.
Totoong ang korapsyon ang isa sa nagpapalala sa kahirapang dinaranas natin ngayon. Bawat pisong ninanakaw ng mga korap na dinastiya at kontraktor ay pisong hindi na magagamit sa pagpapatayo ng public schools at public hospitals; paglakaroon ng libreng gamot at paospital para sa lahat; pagtatayo ng libre o abot-kayang pabahay; pagpapataas sa sweldo ng public school teachers, nurses at iba pang ordinaryong empleyadong lingkod-bayan; dagdag-pensyon para sa mga maralitang matanda at iba pa. Dapat nating ipagpatuloy ang pangangalampag sa gobyerno at kapwa mamamayan para aksyunan ang mga isyu ng korapsyon at tiyakin na makakasuhan at maipapakulong ang mga kurakot at mabawi rin sana ang ninakaw nilang pera ng bayan.
Mahalaga ang ating kilos bayan sa June 28 dahil magsasama-sama rito ang mga grupong lumahok noong Sep. 21 at Nov. 30, 2025 sa Baha sa Luneta at sa Trillion Peso March sa Edsa. Sa pamamagitan ng paglawak ng saklaw ng mga naghahangad ng katarungan at sa paglalim ng ating pagkakaisa, maaari nating maipagtagumpay ang maraming laban.
Nagkakaisa tayo sa kampanyang para panagutin ang bise presidenteng nagwaldas ng 125 milyong pisong confidential funds sa 11 araw lang, may bilyon-bilyong pisong naglabas-masok sa mga bank account kahit na walang idineklarang cash sa SALN, at may mga ari-arian ding tila itinago at hindi inilista sa SALN.
Nagkakaisa tayo sa panawagang patuloy na palawakin at palalimin ang imbestigasyon sa flood control scam, tukuyin at kasuhan ang masterminds lalo na ang mga nasa tuktok ng kapangyarihan, at pabilisin ang pagbawi sa mahigit 25 bilyong pisong frozen assets na pinaghihinalaang nakaw na yaman kaugnay ng flood control.
Dapat ding ituloy ang mga imbestigasyon sa donasyon ng mga kontraktor kay Pres. Marcos, Bise Pres. Duterte, mga senador, at iba pang politiko. Hindi dapat pabayaang magpatuloy ang garapalang pagtrato sa posisyon at gobyerno bilang palaruan ng mga mapera at korap na kontraktor na naghahangad lamang na patabain ang kanilang bulsa sa pamamagitan ng pagbili sa impluwensya at kapangyarihan ng mga politikong binibigyan nila ng donasyon.
Nagkakaisa tayo sa panawagang magsabatas ng tunay at malakas na Anti-Dynasty Law sa halip na maipasa ang bersyon ng administrasyong Marcos na kitang-kita hindi nagbabawal kundi nagbibigay pa nga ng legal na palusot para makapanatili sa pwesto ang maraming mga magkakapamilya mula antas lokal hanggang nasyonal.
Nagkakaisa tayo na mahalaga ang Eleksyong 2028 para tiyakin na ang mga mahahalal na opisyal ay hindi mandarambong, pero hindi pwedeng maghintay pa ng 2028 para umaksyon. Hindi makapaghihintay ang pangarap nating maunlad, makatarungan, at mapayapa, at mapagkalingang Pilipinas.
Hunyo bente-otso, magsama-sama tayo!
Kilos bayan laban sa kahirapan, korapsyon, at kawalang-pananagutan!
Mula sa tuktok, lahat ng sangkot, dapat managot!
Sara litisin!
Marcos, singilin!
Ikulong ang mga kurakot!
Wakasan ang paghahari ng mga korap na dinastiya!
22 Hunyo 2026
24/06/2026
24/06/2026
24/06/2026
24/06/2026
24/06/2026
24/06/2026