12/06/2026
OPINYON | Pagtatanim ay Hindi Biro
Magdaan man ang dekada ng iba’t ibang pamumuno at mukha ng estado, nanatili pa rin sa kasadlakan ang kalagayan ng usaping agrikultura at lupa. Patuloy ang pang-aagrabyado sa mga magsasaka, walang kasarinlan sa pagtatanim, at paglaganap ng paghihirap sa sitwasyong mapanggipit dulot ng mga sistema at batas ng pamahalaan. Kung kaya sa buhay ng lupa, hindi lamang halaman ang maaaring sumibol dahil gayundin ang armadong pakikibaka na naglalayong umugat sa problemang hindi makapagbigay ng totoong reporma at kalayaan.
Noong 1988, nilagdaan ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang masolusyunan ang kawalan ng lupa na maaaring tamnan ng mga magsasakang pinapakain ang bansa. Layon nito na ipamahagi ang lupang nasa kamay ng mga panginoong maylupa upang magkaroon ng kakayahan ang mga maliliit na magsasaka na malayang makapamuhay. Ngunit ilang dekada man ang lumipas, hindi pa rin masaksihan ng mga magsasaka na tumubo ang kanilang tanim sa ipinangakong lupa kagaya ng sitwasyon sa Hacienda Luisita. Ayon sa ulat ng Altermidya noong 2024, nagkaroon ng kautusan ang Korte Suprema noong 2012 na ipamahagi na ang hacienda ngunit 2354 hektarya ng lupa pa rin ang nakatengga. Batid ng kalagayang ito na kahit bigyan ng batas ang lupa, hindi pa rin ito mapupunta sa kamay ng kaniyang tunay na tagabungkal.
Hindi lamang nakakulong ang mahirap na sitwasyon ng mga magsasaka sa iisang komunidad dahil nangyayari rin ito sa ibang parte ng bansa. Ang mga magsasaka ng tubo sa Negros ay iniulat na sila ay sumasahod ng P100-200 sa isang araw. Maituturing na barya lamang ang kanilang kinikita batay sa katotohanan ng presyo ng mga produkto sa kasalukuyang panahon. Ayon sa mga tala noong 2023, ang antas ng kahirapan ng mga Pilipinong magsasaka ay nasa 27%. Bumaba man ito ng 2.9% mula sa tala noong 2021, nananatili pa rin sila sa taas ng pambansang antas ng kahirapan na 15.5%. Ang mga datos na ito ay ang reyalidad at buhay ng mga magsasaka na sabay nilang pinapasan sa nagugutom na bansa.
Ang sitwasyon sa ibang parte ng Pilipinas ukol sa pagsasaka ay hindi nalalayo sa sitwasyon na mayroon ang Hilagang Luzon, lalo na sa kasalukuyang usapin sa presyo ng langis at gasolina. Ayon sa Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP), ang gastos sa irigasyon ng to***co ay umabot na sa P19,818 mula P7,488 kada hektarya. Samantalang ang gastos sa irigasyon ng palay nagtaas mula P2,880 hanggang P7,622 kada hektarya. Nagresulta ito sa karagdagang P287 sa arawang gastusin, halos katumbas ng karaniwang kita ng mga magsasaka na P318 isa isang araw. Dahil sa mataas na gastos sa transportasyon at paggawa kaysa kinikita, patuloy ang pagtapon ng gulay ang mga magsasaka ng Benguet. Nagkakahalaga ng P18-20 ang produksyon ng isang kilo ng repolyo, samantalang bumababa ang presyo nito sa pamilihan sa tatlong piso kada kilo. Halos wala ng naiuuwing kita ang mga magsasaka pagkatapos mabayaran ang gastos sa gasolina at paghahakot ng kanilang ani. Kahit saang parte man ng bansa magpunta, walang solusyon ang mangyaring makita mula sa pabayang sistema.
Bunsod ng lumalaganap na suliranin patungkol sa agrikultura na hindi tinutugunan ng estado, umusbong ang armadong pakikibaka upang magbigay ng sagot. Dulot ng patuloy na tensyon ng gobyerno at lupa, umusbong ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang armadong sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Ang BHB ang pumunta sa kanayunan at nakipamuhay sa mga magsasaka kung saan sila ang nagtanggol sa lupang kinakamkam. Sa looob ng lagpas na limang dekada, sila ang nakipagtunggali sa militar ng estado na naglalayong panatiliin ang kawalan ng lupa, kahirapan, at inhustisya ng mga magsasaka.
Hindi lingid sa kaalaman ng isa na ang pagtangan ng armas ay isang malaking gampanin dahil kaakibat nito ang kakayahang magbigay at kumuha ng buhay. Ngunit sa haba ng panahon na mga magsasaka ang nasa dulo ng bala, pinili ng BHB ang humawak ng armas upang mapaglaban ang kanilang karapatan. Sa tagumpay na kanilang ipinaglalaban, binibigyan nila ng kalayaan ang mga magsasaka upang makapagtanim sa lupang sa umpisa pa lamang ay kanila na. Tinutugunan nila ang pamamasista ng gobyerno nang mata sa mata, ngipin sa ngipin, at bala sa bala. Kaya kung titimbangin, ang ugat ng kanilang armadong pakikibaka ay hindi biro at base sa kanilang simpleng pagpapasya ngunit sa nananalaytay na bunga ng isang estadong puno ng inhustisya.
Pinupunan ng armadong pakikibaka ang kakulangan at kalabisan ng mga pekeng batas at sistema hinggil sa kalagayan ng lupa at mga magsasaka. Sa isang lupa kung saan hindi lamang halaman ang itinatanim kung hindi pati bala, namumulaklak ang isang pakikibaka na naglalayong bigyang buhay ang pilit na sinusupil. At hangga’t ang lupa ay hindi nagiging malaya, hindi matatapos ang pagprotekta sa pamamagitan ng pagsibol bala.
Sulat ni Lance Panlaqui mula sa mula sa Pagtalinaedan: Northern Luzon Student Press Convention
HARVEST HIGH, PRICES LOW. Local farmers unload crates of vegetables at the La Trinidad Vegetable Trading Post in Benguet on May 30, 2026. Despite a good harvest, low market prices reduce expected income.
Kuha ni Iska mula sa mula sa Pagtalinaedan: Northern Luzon Student Press Convention
06/06/2026
06/06/2026
02/06/2026
01/06/2026
31/05/2026
30/05/2026
30/05/2026
29/05/2026