12/06/2026
๐๐๐๐ ๐๐ผ๐ ๐๐๐๐ผ๐ ๐๐ผ ๐ฝ๐๐๐๐๐๐ผ ๐ผ๐๐ ๐๐๐๐ผ๐ฟ ๐๐ผ ๐๐ผ๐๐ผ๐๐ผ๐ผ๐
Mahigit isang siglo na ang lumipas mula nang iwagayway ang watawat ng Pilipinas sa Kawit, Cavite bilang sagisag ng pagtatapos ng kolonyal na paghahari ng Espanya. Taun-taon nating ginugunita ang deklarasyon ng kasarinlan bilang pagpupugay sa dugo, pawis, at buhay na inialay ng ating mga ninuno para sa kalayaan. Ngunit sa kabila ng mga seremonya at pagdiriwang, nananatiling buhay ang isang masakit na katotohanan: ang kalayaang ipinagmamalaki ng estado ay hindi lubos na nararanasan ng nakararaming Pilipino.
Kung may mga tunay na biktima ng huwad na kalayaan, sila ay ang mga mamamayang nananatiling nakabaon sa kahirapan at pang-aapi sa pinakamalalayong sulok ng laylayan ng lipunanโang mga magsasaka na pinagkakaitan ng lupa, mga manggagawang pinagkakaitan ng makatarungang sahod, mga maralitang lungsod na walang katiyakan sa tahanan, at mga kabataang pinipigilang maabot ang kanilang kinabukasan dahil sa kawalan ng oportunidad. Habang ang iilan ay patuloy na nagtatamasa ng kapangyarihan at yaman, ang nakararami ay nananatiling bihag ng gutom, kawalan ng trabaho, at pagkakait sa kanilang mga batayang karapatan.
Bagaman nagbunga ang mga pakikibaka ng ating mga ninuno ng isang malayang republika at nagpasiklab ng diwang makabayan sa sambayanan, nananatili pa ring nakagapos ang bansa sa mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang nagsisilbi sa interes ng mga naghaharing uri. Sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte, higit na lumalalim ang agwat ng mayaman at mahirap habang patuloy na ipinapasan ng karaniwang Pilipino ang bigat ng krisis. Sa ganitong kalagayan, malinaw na ang tunay na kalayaan ay hindi nasusukat sa pagwawagayway ng watawat o paggunita sa kasaysayan, kundi sa pagkakaroon ng dignidad, kabuhayan, at katarungan para sa mga mamamayang matagal nang itinutulak sa laylayan ng lipunan.
Tunay nga bang malaya ang ating bansa kung hanggang ngayon ay nananatiling mailap ang pambansang industriyalisasyon at tunay na panlipunang kaunlaran? Paano natin masasabing ganap na malaya ang Pilipinas kung patuloy itong umaasa sa dayuhang kapital, imported na produkto, at mga polisiyang higit na nagsisilbi sa interes ng iilan kaysa sa pangangailangan ng sambayanan?
Sa halip na itaguyod ang sariling industriya na lilikha ng sapat at disenteng trabaho para sa mamamayan, nananatiling atrasado ang ekonomiya at nakasandig sa pag-eeksport ng murang lakas-paggawa. Milyun-milyong Pilipino ang napipilitang mangibang-bansa upang mabuhay ang kanilang pamilya, habang ang mga magsasaka at manggagawa sa loob ng bansa ay patuloy na nakararanas ng mababang kita, kawalan ng seguridad sa trabaho, at lumalalang kahirapan. Ang kawalan ng pambansang industriyalisasyon ay hindi lamang usapin ng ekonomiyaโito ay malinaw na manipestasyon ng pagkabigo ng estado na itaguyod ang tunay na kasarinlan.
Kasabay nito, nananatiling pangarap para sa nakararami ang panlipunang kaunlaran. Habang lumalaki ang tubo ng malalaking korporasyon at lalong nagkakamal ng yaman ang iilang elitista, milyon-milyong Pilipino ang patuloy na nakikipagsapalaran para sa pagkain, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at disenteng pamumuhay. Ang kalayaang ipinagdiriwang tuwing Hunyo 12 ay nawawalan ng saysay kung ang mamamayan mismo ay nananatiling bihag ng gutom, kawalan ng oportunidad, at sistematikong pang-aapi.
Sa gayon, ang usapin ng kalayaan ay hindi lamang dapat nakatali sa isang tagumpay na naganap mahigit isang siglo na ang nakalipas. Ang tunay na hamon sa kasalukuyan ay kung paano makakamit ang isang lipunang may sariling industriya, makatarungang pamamahagi ng yaman, at isang ekonomiyang nakatuon sa kapakanan ng sambayanan. Hangga't hindi natatamo ang mga ito, mananatiling makatarungan ang tanong ng mga nasa laylayan: tunay nga bang malaya ang Pilipinas, o isa lamang itong kalayaang nakasulat sa kasaysayan ngunit hindi nararanasan ng mamamayan?