19/06/2026
BASAHIN: Pahayag ng UST CSSC sa Pagkakaisa sa Pagdiriwang ng Pride Month
Tuwing buwan ng Hunyo, ipinagdiriwang natin ang Pride Month bilang paggunita sa kasaysayan at patuloy na pakikibaka para sa karapatan ng LGBTQ+ community. Nagsimula naman ang pagdiriwang ng Pride sa Pilipinas sa pamamagitan ng Pride March noong Hunyo 26, 1994. Mahalaga ang pangyayaring ito sa kasaysayan natin dahil ito rin ang kauna-unahang Pride March sa buong Asya. Sa mga nakaraang taon, hindi lamang mga pride march ang isinasagawa kundi maging mga seminar, kombensiyon, konsiyerto, at iba pang aktibidad na nagsusulong ng pagprotekta sa karapatan ng LGBTQ+ community.
Kaisa ng LGBTQ+ community ang UST College of Science Student Council sa pagsusulong ng isang inklusibong Pilipinas, na hindi lamang humuhusga batay sa sexual orientation at gender identity ng bawat Pilipino. Higit pa sa mga selebrasyon na ito, dapat nating tandaan na hindi lamang ang LGBTQ+ community ang makikinabang rito. Ang pagprotekta sa karapatan ng bawat isa, anuman ang kanilang pinagmulan o sektor, ay isang simbolo ng pagmamahal at pagkakapantay-pantay na direktang rumerespeto sa dignidad ng bawat indibidwal.
Mariin ding kinokondena ng UST College of Science Student Council ang anumang uri ng diskriminasyon laban sa ating mga estudyante. Bilang mga Tomasino, pangunahan natin ang mga inisyatibong magtataguyod ng isang mulat at edukadong komunidad. Isabuhay rin natin ang 3Cs ng ating unibersidad, lalo na ang Compassion, na naglalayong maging patas, bigyang-respeto ang bawat indibidwal, at pangalagaan ang dignidad ng lahat. Isulong natin ang pagpapatupad ng mas makataong polisiya sa loob ng unibersidad para sa bawat estudyante.
Bilang Tomasinong Siyentipiko, malaki ang hamon sa atin laban sa diskriminasyon. Tungkulin nating mag-imbestiga ng mga solusyon na makakatulong sa pagbabawas o pagwawakas ng diskriminasyon sa ating bansa. Imulat natin ang mga mata ng ating mga mamamayan sa totoong kalagayan ng mga nasa laylayan, kabilang ang LGBTQ+ community. Makiisa sa pagsusulong ng mga panukalang batas at mekanismong nagbibigay ng sapat na proteksiyon laban sa diskriminasyon at nagtataguyod ng pantay na karapatan at oportunidad para sa mga LGBTQ+ na Pilipino. Makilahok din sa ibaβt ibang mga aktibidad na may kahalintulad na layunin.
Hindi rito natatapos ang laban para sa karapatan ng bawat indibidwal. Ang Pride Month ay hindi purong kasiyahan; sa likod nito, kinikilala ang diskriminasyong patuloy na nararanasan ng mamamayang Pilipino na laganap sa bawat araw. Nawaβy magsilbing paalala ang pagdiriwang na ito upang ipaglaban ang Pilipinas na malaya para sa lahat.
Para sa ligtas at inklusibong bayan.
18/06/2026
18/06/2026
17/06/2026
17/06/2026
16/06/2026
16/06/2026